MANILA, Philippines - Balak ng Philippine Sports Commission (PSC) na alisin na sa talaan ng mga priority sports ang aquatics dahil sa patuloy na pagsadsad ng sport sa Myanmar SEA Games.
Tinuran ni PSC chairman Ricardo Garcia na walang nangÂyari sa aquatics kahit may dagdag silang suportado kumpara sa ibang National Sports Association dahil kasama sa priority sports na pinangalanan ng ahensya noon pang 2012.
“We are really considering the removal of aquatics from the list dahil wala silang performance,†ani Garcia.
Bukod sa aquatics, ang iba pang sports na inilagay sa listahan ay ang athletics, boxing, taekwondo, wushu, archery, wrestling, bowling, weightlifting at billiards.
Matapos pangalanan noong 2012 ay binigyan din ng mas malalaking budget ang mga nasa priority list at ang aquatics ay tumanggap ng P12 milyon.
Ngunit hindi natugunan ng magandang performance ng aquatics na pinamumunuan ni Mark Joseph ang tulong ng PSC dahil sa nakalipas na South East Asian Games sa Myanmar ay apat na bronze medals lamang ang naibigay ng maliit na delegasyon at dalawa rito ay galing kay Olympian Jasmine Alkhaldi.
Muntik sanang nanalo ng ginto si Alkhaldi sa 100m freestyle pero binawi ito ng organizers at nag-utos ng re-swim matapos magprotesta ang Thai swimmer.
Lumangoy si Alkhaldi sa re-swim at tumapos na laÂmang sa ikatlong puwesto.
Ang athletics, boxing, taekwondo, wushu, archery at billiards ay nanalo ng ginto habang minalas ang weightlifting at wrestling. Hindi naman isinagawa ang bowling sa Myanmar. (ATan)