2 Palarong Pambansa swimmers MILO Junior Athletes of the Year ng PSA

MANILA, Philippines - Dalawang batang man­lalaro na umani ng pi­tong gintong medalya sa 2013 Palarong Pambansa ang siyang gagawaran ng MILO Junior Athletes of the Year ng Philippine Sportswriters Association (PSA).

Ang mga swimmers na si Regina Erin Castrillo at Rafael Barreto ang siyang tatanggap ng nasabing parangal sa gaganaping PSA Annual Awards Night na handog ng MILO at Air21 sa Sabado sa Centennial Hall ng Manila Hotel.

Si Castrillo ay bumasag din ng apat na Palaro records habang si Barreto ay may tatlong bagong marka sa Palarong Pambansa na siyang pinakaprestihiyosong patimpalak sa mga  mag-aaral na atleta sa ele­mentarya at sekondarya.

“The MILO Junior Athlete of the Year is in re­cognition to his/her ability to inspire excellence among the youth,” wika ni MILO sports executive Andrew Neri.

Si Numeriano Titong na siyang kauna-unahang kampeon sa Milo Marathon ay bibigyan ng espesyal na pagkilala sa parangal mula sa pinakamatandang organisasyon sa media at may suporta pa ng Smart Sports, Philippine Sports Commission (PSC), ICTSI-Philippine Golf Tour, Phi­lippine Amusement and Gaming Corp., Philippine Basketball Association, Philippine Charity Sweepstakes Office, Senator Chiz Escudero, SM Prime Holdings, Rain or Shine, Globalport at Acces3XVI.

Isa ng golf caddy sa Valley Golf and Country Club, si Titong ang nagdomina sa unang edisyon ng marathon noong 1974 at ang pagkilala ay magbibigay ningning sa ika-50 anibersaryo ng MILO sa Pilipinas.

Ang batikang broadcaster at sports columnist Quinito Henson kasama si Patricia Bermudez-Hizon ang siyang tatayong host sa gabi ng parangal na magsisimula sa ganap na alas-7:30 ng gabi.

May 123 awardees ang kikilalanin dahil pinasigla nila ang palakasan noong nakaraang taon ay na­ngunguna na rito ang Gilas Pilipinas basketball team na siyang gagawaran ng Athlete of the Year.

Show comments