Gems iiwas masibak vs Road Warriors

MANILA, Philippines - Pagsisikapan ng NLEX Road Warriors na dagdagan pa ang kanilang pagpapanalo habang lalapit pa ang Cagayan Valley sa hanap na puwesto sa quarterfinals sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Arellano Gym.

Kalaban ng Road Warriors ang Cebuana Lhuillier sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon at puntirya ng bataan ni  coach Boyet Fernandez na kunin ang ikalimang panalo sa 2014 at panlima sa pangkalaha­tan.

Mainit ang NLEX at ang kanilang winning margin ay nasa 19.2 puntos para ipakita na naibalik na ng koponan ang tikas na hina­ngaan sa team matapos manalo ng apat na sunod na titulo.

Sa ngayon ay mayro­ong 8-1 baraha ang Road Warriors at isa pang panalo ay maglalapit sa kanila sa isang tagumpay para masaluhan ang nangu­ngunang Big Chill na may 10-1 karta.

Sa kabilang banda, ang Gems ay mayroong 4-5 baraha at kailangan nilang makuha ang panalong ito para hindi mawala sa laban para sa puwesto sa susunod na round.

Nasa ikawalong puwesto sa ngayon ang ba­­taan ni coach David Zamar at kung malasin pa ay malalagay na ang isang paa sa hukay.

Natalo sa huling laro laban sa Jumbo Plastic, 82-70, kakailanganin ng Gems ang matatag na depensa para supilin ang mga kamador ng NLEX na sina Garvo Lanete, Kevin Alas at ang nagdodomina sa ilalim na si Ola Adeogun.

Kailangan din ng kopo­nan na gumanda ang opensa nina Roi Sumang, James Martinez at Paul Zamar upang may maipantapat sa malakas na opensa ng multi-titled team.

Unang laro sa ganap na ala-1 ng hapon ay ang pagkikita ng Cagayan Valley at talsik ng NU-Banco de Oro.

May 7-3 karta ang Ri­sing Suns at ang makuku­hang panalo ay mag-aakyat sa koponan para makasalo sa ikaapat at limang puwesto sa pahi­ngang Hog’s Breath Café.

Huling laro ng tropa ni coach Alvin Pua ay noon pang Disyembre 9 at tinalo nila ang Jumbo Plastic, 82-78.

 

Show comments