Israeli GM giba kay So

MANILA, Philippines - Sumosyo ang Filipino Grandsmaster  na si Wesley So (ELO 2719) sa ikalawang puwesto nang pisakin si Israeli GM Boris Gelfand (2777) sa pagtatapos ng 5th round ng super-tough Category A sa 76th Tata Steel Tournament Masters sa Rijksmuseum, Amsterdam nitong Biyernes.

Ginamit na bentahe ni So ang hawak na mga puting piyesa upang dispatsahin si Gelfand sa 29 moves ng Si­cilian Rossolimo.

Ang panalo ay nagbigay kay So ng kabuuang 3.5 puntos kasalo sina local bet GM Anish Giri (2737) na nanalo kay GM Pentala Harikrisna ng India (2708) sa pagtatapos ng 71 moves ng Giuoco Piano Opening.

Sunod na makakalaban ni So ang lider at top seed GM  na si Levon Aronian ng Armenia (2803) sa Sabado (Linggo sa Manila).

Nananatiling walang talo si Aronian na may naipon ng 4 puntos matapos hiyain si GM Arkadij Naiditsch ng Germany (2737) sa 57 sulungan ng Ruy Lopez Berlin.

Show comments