Malalaking kompetisyon paghahandaan ABAP boxers nagsimula na ang pagsasanay

MANILA, Philippines - Nagsimula na ang pag­­ha­handa ng Pambansang boksingero para sa malalaking kompetisyon sa taon sa pangunguna na ng Asian Games.

Ayon kay Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) exe­cu­tive director Ed Picson, nagsibalik na mula sa ba­kasyon ang lahat ng kasapi ng national  pool kasama na rito ang mga coaches upang buksan ang kanilang pagsasanay.

“All members of the pool are accounted for. Ka­hit ang mga nanalo ng medalya sa SEA Games sa Myanmar ay nakabalik na rin,” wika ni Picson sa SCOOP on Air.

Makakaasa rin ang mga panatiko ng boxing na gagawin ng ABAP ang lahat ng makakaya upang ilagay ang mga pambato sa magandang kondisyon para magpatuloy ang ki­nang sa pagsali sa Asian Games sa Incheon, Korea mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.

Ang boxing ang isa sa tatlong sports na nanalo ng ginto sa 2010 Guangzhou, China Asian Games sa katauhan ni Rey Saludar.

Bagama’t gold meda­list, hindi naman awtoma­tiko na kasama na si Saludar sa ipadadala ng ABAP dahil kailangan niyang patunayan pa ang sarili na handa sa laban.

Sa  tantiya ni Picson, lima hanggang anim na boxers ang ipapadala ng ABAP sa Incheon at mahalaga ang kompetisyon dahil  bahagi ito ng kanilang programa para sa planong pagsungkit ng kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics sa 2016 sa Rio de Janeiro sa Brazil.

“Maliwanag ang mar­ching orders sa amin ni chairman MVP (Manny V. Pa­ngilinan) at president Ricky Vargas na ipagpatuloy namin ang paghihirap upang matupad ang pinapanga­rap na kauna-unahang ginto sa Olympics,” dagdag ni Picson.

Sampung boksingero ang ipinadala ng ABAP sa Myanmar SEAG at lahat sila ay nanalo ng medalya sa kinuhang tatlong ginto, apat na pilak at tatlong bron­ze medals.

Ang mga pinalad na nagkampeon ay sina Olympian Mark Anthony Barriga, Mario Fernandez at Josie Gabuco. (ATan)

 

Show comments