SBP ang NSA of The Year para sa PSA Annual Awards

MANILA, Philippines - Ang Gilas Pilipinas ang nagsimula ng lahat nang ku­nin ang silver medal sa 27th FIBA-Asia Men’s Champion­ship noong Agosto bago tapusin ng Sinag Pilipinas ang ta­ong 2013 mula sa pagmimintine sa men’s gold medal sa 27th Southeast Asian Games sa Myanmar.

Sa pagitan naman nito, kinuha ng Philippine Youth team ang silver medal sa FIBA-Asia U16 Championship at sinikwat ng PH U18 3x3 squad ang gold medal sa FIBA-Asia U18 3x3.

Ang mga ito ay hindi magiging posible kung hindi da­hil sa su­porta ng Samahang Basketbol ng Pil­ipinas (SBP) na ki­nilalang National Sports Association (NSA) of the Year ng Philippine Sportswriters Association (PSA) pa­ra sa Annual Awards Night na inihahandog ng MILO ka­sama ang Air21 bilang major sponsor.

Ang event ay nakatakda sa Enero 25 sa Centennial Hall ng Manila Hotel ay inaasahang dadaluhan nina SBP pre­sident Manny V. Pangilinan, vice-chairman Ricky Var­gas, vice president Al Panlilio at executive director Son­ny Barrios para personal na tanggapin ang award na ibinigay sa NSA na nagbigay ng karangalan sa bansa sa buong isang taon.

Ito ang ikalawang pagkakataon na hinirang ang SBP bilang NSA of the Year matapos makipaghati sa National Golf Association noong 2012 edition sa taunang event na pi­namamahalaan ng PSA katuwang ang Smart Sports, Philippine Sports Commission, Philippine Amusement and Gaming Corp., ICTSI-Philippine Golf Tour, Philippine Bas­ketball Association, Globalport, Rain or Shine, Philippine Charity Sweepstakes Office, Accel at3XVI, Senator Chiz Escudero at SM Prime Holdings.

 

Show comments