Makabagong training center itinutulak pa rin ni Garcia

MANILA, Philippines - Ang pagkakaroon ng isang bagong training center ang magbabangon sa na­kalugmok na kalagayan ng Pilipinas sa Southeast Asian Games.

Ito ang pahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ritchie Gar­cia matapos ulanin ng kri­tisismo kaugnay sa pagta­tapos ng Team Philippines sa No. 7 sa overall medal standings ng nakaraang 27th SEA Games sa Myanmar noong nakaraang taon.

Kumolekta ang mga national athletes ng kabuuang 29 gold medals para sa pang-pitong posisyon na si­yang pinakamasamang nai­pakita ng bansa sapul nang lumahok sa nasabing re­gional meet noong 1977.

“Once we get a training center, we can start looking at No. 1, No. 2,” wika ni Garcia. “Aabot lang tayo ng pang-pito or pang-walo un­less something is to be done sa mga athletes natin.”

Patuloy pa ring ipina­pagamit ng PSC  sa mga na­tional athletes ang maa­lamat nang Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila.

Ilang taon nang ipina­ngangalandakan ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. ang pagtatayo ng isang trai­ning fa­cility sa Clark Field sa Olongapo sa Tanay, Rizal at sa Hacienda Luisita na ka­nilang pagmamay-ari.

Show comments