Programa ng SBP nagbunga ng tagumpay

MANILA, Philippines - Pinatunayan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na kayang maabot ng manlalaro ng bansa ang tugatog ng tagumpay basta’t may magandang programa at ang mga namumuno rito ay may dedikasyon at pagmamahal sa kanilang sport na inaaniban.

Ang SBP ang pinakamatagumpay na National Sports Association sa 2013 nang kuminang ang mga basketball teams na inilaban sa mga malalaking kompetisyon na sinalihan.

Sa pamumuno ni Manny V. Pangi­linan, hindi nag-atubili ang negosyante sa pagpapalabas ng pondo para ipantustos sa paghahanda at paglahok ng mga koponang inilaban.

Nasuklian naman ang kanyang all-out na pagsuporta ng dalawang ginto at dalawang pilak habang ang ikatlong koponan ay tumapak sa prestihiyosong World Championships.

Nanguna sa mga inihandang koponan ng SBP ay ang Gilas National men’s team na tinapos ang 35 taon na hindi nasisilayan ang Pilipinas sa FIBA World Cup matapos talunin ang Korea, 86-79, sa semifinals ng FIBA Asia Men’s Championship na ginawa sa Mall of Asia sa Pasay City mula Agosto 1 hanggang 11.

Pinatunayan din ng SBP na hindi lamang sa men’s team sila nakatuon matapos magsipanalo rin ang  boy’s under-16 at 3-on-3 teams

Diniskartehan ni coach Jamike Jarin, ang koponang pinamunuan nina Lorenzo Navarro, Joseph Nieto, Richard Escoto, Michael Dela Cruz at Andres Paul Desiderio ay nasilayan ng tibay ng dibdib nang kunin ang pilak sa kompetisyong ginawa sa Tehran, Iran mula Setyembre 25 hanggang Oktubre 4.

Pumasok sa semifinals ang koponan nang durugin ang Iran, 79-52, bago isinunod ang Chinese Taipei, 77-72, para umabante sa finals.

Pinahirapan ng Pilipinas ang nagdedepensang kampeon China bago naisuko ang 78-85 pagkatalo para makontento sa pilak na medalya.

Sapat naman ito upang makalaro ang Pilipinas sa FIBA U-17 World Championship na gagawin sa Dubai, United Arab Emirates mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 6, 2014.

Ang maituturing na pinakamatagumpay na koponan ay binuo nina Thirdy Ravena, Kobe Paras, Prince Rivero at Arvin Tolentino matapos hiranging kampeon sa 1st FIBA-Asia 3x3 U18 Championship for boys na ginawa sa Bangkok, Thailand mula Mayo 22 hanggang 24.

Nagpakinang sa panalo ng bansa sa torneo ay ang 22-18 pananaig sa China sa semifinals bago ito sinundan ng 21-19 tagumpay sa India sa championship.

Nakuha ng koponan ang tiket sa World Championship sa Indonesia noong Set­yembre 26 hanggang 29 at kahit tumapos lamang ang koponan sa ika-18th puwesto  sa 32 na sumali, nagningning pa rin ang kampanya ng koponan nang kilalanin si Paras sa side event na slam dunk competition.

Hindi rin nagpaiwan ang Sinag National team na hawak ni coach Jong Uichico na winalis ang anim na karibal tungo sa ika-16th titulo sa South East Asian Games sa Myanmar.

Malinaw naman ang naging mensahe ni Pangilinan na hindi siya makokontento sa tagumpay na tinamasa ng bansa sa 2013.

“The World is now the stage and to be truly competitive, we need to come together again,” wika ni Pangilinan na senyales na patuloy niyang ibibigay ang lubusang pagsuporta para magpatuloy ang kinang ng number one sport sa 2014.

 

 

Show comments