Gilas ibinalik ang Pinas sa FIBA World Cup

MANILA, Philippines - Pilak na kasing-kinang ng ginto.

Ito ang naabot ng Gilas National team sa idinaos na FIBA Asia Men’s Cham­pionship na ginawa sa Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Agosto 1 hanggang 11.

Natalo ang koponang hawak ni coach Chot Re­yes sa Iran, 71-85, sa one-game finals para makontento sa pilak na medalya.

Pero hindi na ito ang mahalaga dahil naabot ng koponan ang iniatang na misyon, ang ibalik ang Pilipinas sa FIBA World Cup, matapos daigin ang Korea, 86-79.

Ang krusyal na laro ay nangyari sa semifinals kontra sa Korea na makailang-beses na ring pinaiyak ang Pambansang koponan sa mga naunang pagkikita.

Isa sa hindi malilimutan na pagyuko ng Philippine basketball sa Korea ay noong 2002 Asian Games nang nakawala ang inasahang panalo matapos hawakan ang 68-66 kalamangan bunga ng buzzer-beating triple ni Lee Sang Min sa semifinals tungo sa 68-69 pagyuko.

Nadedehado ang Gilas sa Korea ng FIBA Asia dahil may right calf muscle injury ang 6’11 naturalized center na si Marcus Douthit.

Hindi na nga pinaglaro si Douthit sa kabuuan ng second half upang ma­ngamba ang mahigit na 18,000 na manonood na sinuportahan ang Gilas.

Ngunit hindi matatawaran ang puso ng mga Filipino players dahil sina Marc Pingris, Jun Mar, Fa­jardo, Japeth Aguilar at Ranidel De Ocampo ang nagtulung-tulong para punuan ang puwestong iniwan ni Douthit.

Naroroon din ang opensa nina Jason Castro (14) at Jimmy Alapag (17) at ang Fil-Am guard ang siyang nagtiyak ng panalo sa naipasok na tres para itulak ang Gilas sa 84-79 kalamangan may 54 segundo sa orasan.

“Up to now, I still don’t know how we did it. We just kept fighting. We’re not going to give up; they need to carry us out of that court,” wika ni Reyes sa ma-emosyonal post game interview.

Sa kabuuan, ang Gilas ay nagkaroon ng 2-1 karta sa Group A elimination nang manalo sa Saudi Ara­bia (78-66) at Jordan (77-71) bago natalo sa Chinese Taipei (79-84).

Matapos nito ay umarangkada ang Nationals ng limang sunod na panalo para marating ang championship round.

Tinalo ng Gilas ang Japan (90-71), Qatar (80-70) at Hong Kong (67-55) sa second round at sa knockout round ay unang sinibak ang Kazakhstan (88-58) para kunin ang karapatan na labanan ang Korea.

Ito lamang ang ikatlong hosting ng Pilipinas sa FIBA Asia meet matapos ang 1960 (unang taon ng torneo) at 1973 at ang pangalawang puwestong pagtatapos ay ikatlo rin ng bansa matapos ang 1965 Kuala Lumpur at 1971 Tokyo editions.

Ang FIBA World Cup ay gagawin sa Madrid, Spain mula Agosto 30 hanggang Setyembre 14 at tinapos ng magigiting na manlalarong napili sa Gilas ang mahigit na tatlong dekada na hindi nasisilayan ang Pilipinas sa prestihiyosong kompetisyon.

Ito lamang ang ika-limang pagkakataon na makakasali ang bansa sa World Cup pero huling nasilayan ang Pambansang koponan ay noong 1978 nang isinagawa ang kompetisyon sa Pilipinas.

 

Show comments