Aerobics Marathon lalarga ngayon sa QC

MANILA, Philippines - Mabibigyan ng pagkakataon ngayon ang mga mahihilig sa aerobics na taga-Quezon City sa isasagawang Aerobics Marathon sa Quezon City Memorial Circle.

Si PSC chairman Ricardo Garcia ay inaasahang mangunguna sa mga sisipat sa husay ng mga sasali sa aktibidades na tatapos sa Laro’t Saya Play N Learn sports program sa Circle sa taong 2013.

“Nauna na kaming gumawa ng ganitong kompetisyon sa Luneta noong December 15 kaya dapat din na magkaroon ng Aerobics marathon sa QC bilang culmination activity ng Laro’t Saya sa Siyudad na ito,” wika ni project manager Lauro Domingo Jr.

Bukod kay Garcia ay inimbitahan din ang pamunuang local ng Quezon City para siyang maggawad ng papremyo sa mananalo.

Humigit-kumulang na P25,000.00 ang premyong paglalabanan ng mga sasali sa kategoryang 18-40 at 41-55 sa kalalakihan at kababaihan.

Ang lalabas na pinakamatibay at mahusay sa dalawang age groups sa dalawang kategoryang ito ay mag-uuwi ng P2,000.00 bukod sa medalya.

Ang top five finishers ay may gantimpalang salapi na naghihintay habang ang mapipili sa pang-anim hanggang pang-sampu ay may mga gift items bilang consolation prizes.

May special categories din na Best In Costume at Wackiest Dancer at ang papangalanan sa mga awards na ito ay may pabuyang P500.00.

Libre ito at bukas sa lahat ngunit ang mga nanalo na sa Luneta ay hindi na puwedeng manalo pa rito.

May on-site registration na magsisimula sa ganap na alas-4:30 ng umaga habang ang kompetisyon ay magsisimula sa ganap na alas-5:45 hanggang ika-7:45 ng umaga.

 

Show comments