So pupuntiryahin ang top 20 sa world rankings

MANILA, Philippines - Tatangkain ni Wesley So na makapasok sa Top 20 sa world rankings bago isipin na kaya na niyang lu­maban para sa world championship.

Ang 20-anyos na si So ay kasalukuyang No. 30 sa buong mundo at taglay ang FIDE rating na 2719.

“My goal is to reach 2750 in 2014,” wika ni So, naipanalo ang limang torneo ngayong taon kasama ang all-GM 17th Unive Chess Tournament sa Hoogeveen, Netherlands noong Oktubre at hindi nagl­aro sa katatapos na 27th Southeast Asian Ga­mes sa Myanmar kung saan walang naiuwing gold medal ang bansa sa chess event.

Pinahalagahan naman ni Hungarian GM Susan Polgar ang paghihintay ni So ng tamang panahon.

“It is best to have short term goals. Wesley (So) accomplished his goals in 2013, now he will work on his goals in 2014,” wika ni Polgar, ang dating wo­men’s world champion at Olympiad gold medalist, ang coach ni So at ng kasalukuyang NCAA Division I champion na Webster University.

Ang limang torneong pinagharian ni So ay ang Reykjavik Open sa Iceland noong Pebrero, ang Calgary Chess Classic sa Canada noong Mayo, ang Las Vegas Chess Festival sa US noong Hunyo, ang Universiade sa Kazan, Russia noong Agosto at ang Unive Chess Tournament sa Hoogeveen.

Nakatakdang suma­bak si So sa Pan Am Championship sa Disyem­bre 27-30 sa Lubbock, Texas kung saan lalahok ang pinakamahuhusay na college teams mula sa North America, Central America, South America at Caribbean.

Show comments