SEAG gold medalist prayoridad sa Asiad

MANILA, Philippines - Hindi lamang ang cash incentive na P100,000 ang makukuha ng mga gold medalist sa 27th Southeast Asian Games sa Myanmar.

Sinabi kahapon ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia na bibigyan nila ng prayoridad ang mga gold medal winners sa 2013 Myanmar SEA Games para sa delegasyong ipapadala sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea sa 2014.

“Hindi pa sila shoe-in but definitely the gold medalists will be very much favored,” wika ni Garcia, tatayong Chef De Mission ng Philippine delegation para sa 2014 Asian Games.

Bilang paghahanda sa Incheon Asian Games, ang mga gold medal winners sa Myanmar SEA Games ay bibigyan ng sapat na international training at exposure ng PSC.

“All these (gold medal) winners will undergo a special priority program. We will expose them to a lot international exposure to prepare them for the (2014) Asian Games,” ani Garcia.

Kumpara sa ipinadalang 210 national athletes sa Myanmar SEA Games, sinabi ni Garcia na mas magiging maliit ang de­legasyong ipapadala ng bansa sa Incheon Games.

Sa nakaraang Asiad sa Guangzhou, China noong 2010, humakot ang bansa ng 3 gold, 4 silver at 9 bronze medals para sa 17th place sa overall standings.

Ang tatlong gintong me­dalya ay nanggaling kina boxer Rey Saludar, billiards artist Dennis Orcollo at bow­ler Biboy Rivera.

Show comments