Pacquiao guest speaker sa PSA Awards Night

MANILA, Philippines - Magiging guest of honor at speaker si boxing icon Manny Pacquiao sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night na magbibigay ng parangal sa mga pinakamahuhusay na Filipino athletes noong nakaraang taon. Nakatakda ang PSA Awards Night sa Enero 25, 2014.

Ang pagdalo ng 35-anyos na eight-time world champion at Sarangani Congressman ang inaasahang magpapakinang sa okasyon na magtatampok sa paghirang sa PSA Athlete of the Year.

Ito ang ikalawang pagkakataon na tatayong guest of honor at speaker si Pacquiao sa taunang event matapos noong 2011 awards night.

Iniluklok ang ring great sa PSA Hall of Fame noong 2009 matapos mahirang na Athlete of the Year ng limang beses noong 2002 hanggang 2008.

Iginawad din ng grupo ng mga sportswriters at editors mula sa national dailies at tabloids kay Pacquiao ang Athlete of the Decade noong 2010.

Inaasahang personal na igagawad ng future Hall of Famer ang Athlete of the Year award ng PSA.

Ang FIBA-World Cup-bound Gilas Pilipinas basketball team at sina world pool champions Rubilen Amit, Dennis Orcollo at Lee Van Corteza ang mga nangungunang kandidato para sa Athlete of the Year award.

Show comments