Big Chill may tiket na sa quarters

MANILA, Philippines - Kinuha na ng Big Chill ang puwesto sa quarterfinals nang kanilang talunin ang Zambales M-Builders, 82-71, sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Trinity University of Asia gym.

Si Reil Cervantes ay mayroong 16 puntos si Juneric Baloria ay naghatid pa ng 12 at si Rodney Brondial ay may 10 puntos at 13 boards para sa Superchargers na hindi natinag sa paghahabol na ginawa ng M-Builders.

Ito ang ika-siyam na panalo sa 10 laro ng tropa ni coach Robert Sison ay tumibay pa ang laban para sa unang dalawang puwesto na didiretso sa semifinals.

Nangyari ito matapos ang paglasap ng Hog’s Breath Café ng ikalawang sunod na kabiguan sa kamay ng Café France, 58-81, sa ikalawang laro.

Lumamang ng 13 puntos ang Big Chill, 48-35, pero nagpakawala ang Builders ng 14-2 palitan para lumapit sa isa, 49-50.

Tumugon si Cervantes ng three-point play para tapusin ang ikatlong yugto sa 11-7 palitan tungo sa 61-56 kalamangan.

Nasa   72-67 ang iskor pero gumawa si Cervantes ng isang jumper habang si Brian Heruela ay nakaagaw at pumuntos sa isang  lay-up upang ilayo na ang Big Chill sa 76-67.

Malamig pa rin ang laro ng Razorbacks para bumaba sa ikatlong puwesto sa 7-2 karta. Tumapos si Mac Montiling 12 puntos para  sa Bakers.

 

Show comments