Pinay cagebelles wagi sa Indons

MANILA, Philippines - Nakitaan ng magandang laro sina Cassy Tioseco at Camille Sambile para pataubin ang Indonesia, 55-45, sa pagpapatuloy kahapon ng 27th SEA Games women’s basketball kahapon sa Zayar Thiri Indoor Stadium sa Nay Phi Taw, Myanmar.

Ang 6-footer na si Tioseco ay may 12 puntos sa 6-of-7 shooting, galing sa bench habang ang starting center pero rookie sa SEAG na si Sambile ay nagdagdag ng 11 puntos sa 5-of-8 shooting, para makabangon agad ang koponan mula sa 36-75 panghihiya ng nagdedepensang kampeon Thailand noong Disyembre 10.

Ito ang ikalawang panalo matapos ang tatlong laro ng bataan ni coach Haydee Ong at kailangan na lamang nilang manaig sa Myanmar sa pagtatapos ng aksyon sa basketball ngayon upang mapanatili ang pilak na medalya sa kompetisyon.

Ang Thais ang siyang namamayagpag sa dibis-yon bitbit ang 2-0 baraha at siyang inaasahang mananalo uli ng ginto dahil paborito sila laban sa Malaysia (kahapon) at Indonesia (ngayon) sa kanilang huling dalawang asignatura.

Si Yuni Anggraeni ay mayroong 20 puntos ngunit wala ng iba pang Indonesian player na nasa doble-pigura upang bumaba ang koponan sa 1-2 karta.

Show comments