MANILA, Philippines - Kinumpleto ng Philab ang pagbangon mula sa loser’s bracket nang talunin ng dalawang beses ang National University, 10-1 at 4-2, upang kunin ang titulo sa 1st PSC Chairman’s Cup Baseball Classic kahapon sa Rizal Memorial Baseball Diamond.
Nakuha ng Ballbusters na binuo ng mga national players, ang karapatang labanan ang Bulldogs nang lusutan ang Ateneo, 6-5, noong Sabado.
Lumabas na ang Philab ay naglaro ng kabuuang 36 innings sa huling dalawang araw sa torneong inorganisa ni PSC chairman Ricardo Garcia dahil double-header sila noong Sabado at twice-to-beat naman ang Bulldogs matapos pangunahan ang winner’s side.
Si Aris Oruga na hindi pinagpukol sa unang laro, ang ginamit ng NU sa deciding game at tinamaan niya ang siyam na hits.
Ngunit napasama rin sa NU ang tatlong errors na nangyari sa fifth inning na kung saan umiskor ng dalawang runs ang Philab para pagningasin ang apat na runs na ginawa sa third hanggang fifth frame tungo sa 4-0 kalamangan.
Ang pitcher na si Vladimir Eguia ang hinirang bilang MVP sa Finals at ang Philab ay tumanggap ng P50,000.00 unang premyo kay Garcia.
Halagang P25,000.00 ang napunta sa Bulldogs habang ang Ateneo at La Salle ang pumangatlo at apat sa standings.