Isinalba ni Alkhaldi ika-4 na gold ibinigay sa Pinas

NAY PYI TAW--Pinangunahan ni national swimmer Jasmine Alkhaldi ang women’s 100m freestyle event para ibigay sa Team Philippines ang gintong medalya sa 27th Southeast Asian Games kahapon dito sa Wunna Theikdi Pool.

Tinalo ng 20-anyos na University of Hawaii student para sa gold medal sina Ting Wen Quah at Amanda Xiang Qi Lim ng Singapore.

Nagsumite ang London Olympian ng bilis na 56.65 segundo na mas mabagal sa kanyang 56.57 sa morning heats para ungusan sina Quah (56.74) at Lim (57.21).

Tinabunan ng tagumpay ni Alkhaldi ang fourth place finish ni Matt Navata sa 400m individual medley.

Bago ang gold medal finish ni Alkhaldi ay umiskor muna ang Sinag Pilipinas ng panalo sa men’s basketball at si light-flyweight Josie Gabuco sa women’s boxing’s semifinals.

Naglista si Ronald Pascual ng 18 points kasunod ang 17 ni Rey Mark Belo para pangunahan ang PHL cagers sa 118-43 paglampaso sa Myanmar at angkinin ang kanilang ikatlong sunod na panalo bago harapin ngayon ang Thailand, tumipa ng 80-67 tagumpay kontra sa Cambodia.

Nagtala si Gabuco ng 40-36, 40-34, 40-34, 40-36 panalo laban kay Sonkra Chantavonsra ng Laos para ibangon ang kampanya ng bansa sa women’s boxing matapos matalo sina flyweight Maricris Igam at bantamweight Irish Magno sa kanilang mga semifinals bout.

Ang tagumpay ni Gabuco, nagwagi ng ginto noong 2011 SEAG, ang nagdala sa kanya para makasama si featherweight Nesthy Petecio sa finals.

Sa chess, nakipag-draw si Darwin Laylo kay Nay Kyaw Tun ng Myanmar at nabigo naman si GM Eugene Torre kay Muhammad Luftiali ng Indonesia sa six-round event.

Bago ito, sinimulan ng Team Philippines ang mga labanan sa isang masamang balita matapos malaman ni two-event defending champion Iris Ranola ang pagkamatay ng kanyang ama.

Ayon kay BSCP secretary-general at billiards delegation head Robert Mananquil, sasabak si Ranola sa 9-ball singles na kanyang pinagreynahan noong 2011 bukod pa sa 8-ball singles.

Sa wrestling, nakuntento naman sa bronze medal sina  Alvin Lobrequito, Jhonny Morte at Joseph Angana.

 Dahil dito, tanging si Jason Balabal, ang silver medalist sa Greco-Roman 84kg class, ang may pagkakataong kumuha ng ginto sa kanyang pagsabak sa freestyle finals.

Inaasahan namang magpapakita ng maganda ang mga atleta sa billiards, karatedo, weightlifting at sailing.

Lalahok naman si karateka Orencio James Virgil delos Santos sa individual kata at target din ni Eugene Stoner Dagohoy ang ginto sa men’s 84kg kumite.

Hangad nina men’s 100m freestyler Jessie Khing Lacuna, 100m breastroker Joshua Hall at individual medley specialist Navata na makapasok sa finals, samantalang makikita sa aksyon si weightlifter Jeffrey Garcia sa 62kg final.

 

 

Show comments