MANILA, Philippines - Sa susunod na linggo pangangalanan ni Floyd Mayweather Jr. ang makakalaban sa kanyang pagbabalik ng ring sa Mayo 3 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Pero wala sa kanyang isipan ang Pambansang kamao na si Manny Pacquiao na galing sa unanimous decision panalo kay Brandon Rios noong Nobyembre 24 sa Macau, China.
“Who?†wika ni Mayweather nang may magbanggit sa pangalan ni Pacman na posibleng kanyang makakalaban.
Ang dating kampeon na si Amir Khan ang sinasabing matunog na makakasagupa ni Mayweather na humarap sa dalawang laban sa taong ito at umani ng decision wins kina Robert Guerrero at Saul Alvarez.
“Right now, I’m not thinking about boxing. Next week. I’m looking forward to next week,†dagdag ng kasalukuyang pound for pound king na hindi pa natatalo matapos ang 45 laban.
Kinasasabikan ang pagtutuos nina Pacquiao at Mayweather dahil sila ang pinakamainit na boksingero ngayon.
Ilang beses nang pinagplanuhan na gawin ito pero laging nagkakaaberya upang maisantabi ang naunang pag-uusap sa hanay ng magkabilang panig.
Nasabi na ni Bob Arum ng Top Rank na gagawin niya ang lahat para maisaayos ang mega-fight na ito pero hindi niya ito kayang mag-isa at kailangan din ng kooperasyon ng kampo ni Mayweather.
Si Pacquiao ay naghayag ng kanyang kahandaan na labanan ang kahit sinong boksingero ang itapat sa kanya ng Top Rank at kasama na rito si Mayweather.