Superchargers masusukat sa Road Warriors

MANILA, Philippines - Papatunayan ng Big Chill na tunay ang maagang pagpapasikat sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Trinity University of Asia Gym sa Quezon City.

Sasalang ang Superchargers sa unang laro sa ganap na alas-2 ng ha­pon at makakasukatan nil­a ang nagdedepensang kampeon na NLEX.

“Walang halaga ang 6-0 karta kung hindi namin  mabibigyan ng magandang laban ang NLEX. Inaasahan namin na mabangis ang larong ipapakita nila at handa kami rito,” wika ni Big Chill coach Robert Sison na nagsosolo sa unahan sa 14-koponang liga.

May 3-1 karta ang Road Warriors at nais nilang bumangon matapos matalo sa Hog’s Breath, 78-83, sa huling laro.

Sina Garvo Lanete at Ola Adeogun ay may 19 at 11 puntos pero ang ibang inaasahan tulad nina Matt Ganuelas at Ronald Pascual ay naghatid lamang ng pinagsamang 10 puntos.

Sina Janus Lozada, Khazim Mirza, Reil Cervantes at Jeckster Apinan ang mga aasahan naman ng Big Chill upang lumapit pa sa mithiing awtomatikong puwesto sa semis.

Magpapatatag ang Blackwater Sports sa ika­apat na puwesto sa pagharap sa Cagayan Valley sa ikalawang laro da­kong alas-4 ng hapon.

May 4-1 baraha ang Elite at galing sa 91-69 demolisyon sa Zambales M-Builders pero hindi nila puwedeng biruin ang Ri­sing Suns na magsisikap na pawiin ang 74-76 pagyuko sa Wang’s Basketball.

Show comments