MANILA, Philippines - Naipasok ni Reginie Metillo ang kanyang free kick para ibigay sa De La Salle ang 2-1 panalo sa University of the Philippines (UP) sa 76th UAAP women’s football noong Linggo sa FEU-Diliman pitch sa Quezon City.
Ipinakita ni Metillo kung bakit siya kasapi ng Malditas nang ibigay ang winning goal para kunin ang maagang kalamangan sa liga.
Naunang ibinigay ni rookie striker Kyra Dimaandal ang unang goal sa Lady Archers sa ninth minute pero nakatabla ang Lady Maroons bago ang halftime nang nanaig sa goalmouth play si Kali Navea-Huff.
Nauwi naman sa tabla ang labanan ng Ateneo at UST sa isa pang laro habang ang nagdedepensang kampeon na FEU ay bye sa unang araw ng liga.
Magpapatuloy ngayon ang labanan sa men’s division at ang nagdedepensang kampeon Ateneo ay sasalang laban sa FEU sa ganap na alas-10 ng umaga sa nasabing palaruan.
Ang iba pang laro ay katatampukan ng UST at NU dakong ala-1 ng hapon at ang UE laban sa La Salle dakong alas-3.
Ang Tigers, Archers at Red Warriors ay nanalo sa kanilang unang mga laro para makakuha ng tatlong puntos.
Sasandal ang Blue Eagles sa mga beteranong sina Yu Murayama, Mikko Mabanag at Carlo Liay, ang Rookie of the Year noong nakaraang taon para maisantabi ang pagkawala ng tatlong mahuhusay na manlalaro sa pangunguna ng MVP at Best Goalkeeper noong nakaraang season na si Nick O’Donnell dahil sa academics.