MANILA, Philippines - Sisimulan ang Shakey’s V-League All-Star Weekend na handog ng Smart ngayon sa pamamagitan ng camp na pangungunahan ng mga batikang manlalaro na magtuturo sa mga batang 9 hanggang 17 anyos sa The Arena sa San Juan City.
May 80 bata ang inaasahang sasali sa camp at matututunan nila ang digging, setting, spiking at serÂving sa mga tinitingalang manlalaro sa liga.
Ang pagpapatala ay magsisimula sa ganap na alas-7 na umaga at P200.00 ang registration fee at kasama na rito ang camp shirt. Magkakaroon din ng laro sa mga campers matapos ang clinic.
Sina Rachel Ann Daquis, Aiza Maizo-Fontillas, Dindin Santiago at Jovelyn Gonzaga ang mga mangunguna sa magtuturo.
Ang apat ding ito ay maglalaro sa All Star game bukas at sina Daquis at Maizo ay magkasama sa Team Shakey’s habang sina Santiago at Gonzaga ay magkatuwang sa Team Smart.
Si Nestor Pamilar ang coach ng Shakey’s team habang si Roger Gorayeb ang hahawak sa Smart sa palarong may ayuda ng Mikasa at Accel.
Para matiyak na matututo ang mga lalahok ay hiÂnati ang camp sa dalawang sesyon at ang una ay sa alas-9 ng umaga habang dakong ala-1 ang ikalawang sesyon.
Ang kikitain sa dalawang araw ng kaganapan ay gagamitin para itulong din sa mga nabiktima ng super typhoon na Yolanda.