Cagayan, Army puwestuhan sa No. 1

MANILA, Philippines - Magpapasiklaban nga­yon ang nagdedepensang kampeon TMS-Army at Cagayan Valley sa kanilang salpukan sa Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix sa The Arena sa San Juan City.

Galing sa magagan­dang panalo ang Lady Troo­pers at Lady Rising Suns sa unang asignatura kaya ang magwawagi sa larong itinakda sa ganap na alas-2 ng hapon ang magsosolo sa unahan sa anim na koponang torneo na inorganisa ng Sports Core.

Mag-uunahan naman ang pumangalawa sa unang PSL tournament na Cignal at Petron sa pagsungkit sa unang panalo sa ikalawang tagisan sa ganap na ika-4 ng hapon habang ang Systema at Maybank ay magsusukatan sa men’s division dakong alas-6 ng gabi.

Mahalaga ang makauna sa ligang may basbas ng International Volleyball Fe­deration (FIVB) at suportado ng Asics, Mikasa, LGR, Jinling Sports and Solar Sports dahil single-round robin lamang ang mangyayari at ang mangungunang dalawang koponan ay aabante na sa semifinals.

Sasandal ang Caga­yan sa husay ng kanilang mga imports na sina Wa­nida Kotruang at Patcharee Saengmuang ng Thailand para manatiling malinis.

Ang karanasan ng mga locals ang gagamitin ng TMS pero mahalaga rin ang ma-develop ang komunikasyon ng mga dating inaasahan at ang mga guest players para umabante sa standings.

 

Show comments