KUALA LUMPUR--Nanumbalik si Benjie Rivera bilang isang world champion pero minalas si Jessie Aligaga na mapanatili ang hawak na korona sa pagtatapos ng 12th World Wushu Championships dito.
Si Rivera na nagkampeon noong 2005, ay dinomina si Hoang Hong Tu ng Vietnam sa 52kg division.
Ang kawalan ng problema sa timbang ang isa sa susi sa pagkapanalo ni Rivera ng Baguio City.
Ito rin ang ika-100 ginto ng Pilipinas sa wushu at 14 dito ay galing sa World Wushu Championships. Si Rivera rin ang ikatlong Filipino na nakadalawang ginto sa World Championship matapos nina Samson Co (1991 at 1993) sa taolo at Rene Catalan (2003 at 2005) sa sanda.
Samantala, natalo si Aligaga, ang 2011 World Wushu Championship at 2012 Sanda World Cup, kay Song Bu Er ng China sa 48kg division.
May bronze medals naman sina sanda artists Jean Clauce Saclag ng Baguio City at Evita Elise Zamora ng Davao City habang ang toulo artists ay nagbigay ng isang pilak at isang bronze medal at ang Pilipinas ay tumapos sa kompetisyon bitbit ang isang ginto, dalawang pilak at tatlong bronze medals.
Si Daniel Parantac, John Keithley Chan at Norlence Ardee Catolico ay pumangalawa sa duilian sa 9.62 puntos.
Ang Iran ang kumuha ng ginto sa 9.68 habang ang Korea ay may 9.61 katulad ng Hong Kong.
Ang bronze sa taolo ay naihatid ni Parantac sa taijiquan event.