Lions nilapa ang chiefs

MANILA, Philippines - Maagang iniwanan ng San Beda ang Arellano para sa madaling 78-62 panalo sa pagtatapos ng 89th NCAA men’s basketball elimination round kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Binulaga ng Lions ang Chiefs gamit ang 11-0 pani­mula at mula rito ay hindi na nilingon pa ang katunggali para tapusin ang kampanya tangan ang 15-3 baraha at hawakan ang number one spot papasok sa  Final Four.

Ang Letran na nana­na­langin na matalo ang Lions para magkaroon ng playoff para sa unang puwesto ay nalagay sa number two slot sa 14-4.

Ang Lions at Knights ay pareho namang may twice-to-beat advantage sa alin mang Perpetual Help o San Sebastian na maghaharap sa Martes para malaman ang pinal na puwesto sa standings. Ang dalawa ay magkasalo sa 11-7 baraha.

Naunang pinasaya ng Red Cubs ang panatiko ng San Beda matapos hiritan ang Braves ng 96-56 panalo sa juniors division para makumpleto ang 18-0 sweep.

Dahil dito, ang Cubs ay umabante na sa Finals at hihintayin ang lalabas sa step ladder semifinals.

Tinalo ng Mapua Red Robins ang Emilio Aguinaldo College Brigadiers, 90-67, upang angkinin ang ikaapat na puwesto sa 12-6 baraha.

Binigyan naman ng Ge­nerals ang sarili ng magandang pagtatapos sa kinapos na kampanya sa Final Four  nang kunin ang 82-76 panalo sa Mapua sa unang laro sa seniors.

Ang panalo ay ika-10 sa 18 laro ng Generals at bagamat ito na ang pina­kamagandang karta ng koponan sa liga, kinapos naman sila ng isang panalo para sana makahirit ng playoff para sa huling upuan sa semifinals. (AT)

Show comments