MANILA, Philippines - Magpapalakas pa ang Emilio Aguinaldo College at San Sebastian sa labanan para sa mahalagang ikaapat na puwesto sa pagharap sa magkahiwalay na laro sa 89th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang Stags ay makakabangga ng Perpetual Help sa tampok na laro dakong alas-6 ng gabi at hanap ng una na maokupahan na ang playoff spot.
Hawak ng Stags ang mahalagang puwesto sa 9-7 baraha pero ang pang-sampung panalo ay sapat na para maging palaban sa playoff.
Ang Generals na babanggain ang Jose Rizal University sa unang laro sa ganap na alas-4 ng hapon, ang mahigpit na karibal ng Stags sa puwesto.
Sa 8-8 baraha, puwede pang tumapos ang tropa ni coach Gerry Esplana bitbit ang 10 panalo.
Huling laro ay ang MaÂpua Cardinals, may tsanÂsa pa ang Generals na dumiretso sa Final Four kung walisin ang huling dalawang laro at matalo naman ang tropa ni coach Topex Robinson sa huÂling dalawang asignatura. Ang host St. Benilde ang kanilang huling laban sa double-round elimination.
Nalusutan ng Stags ang Altas, 78-77, sa unang paghaharap at asahan na magiging mahigpitan pa rin ang tagisan dahil kailangan ng tropa ni coach Aric del Rosario na selyuhan na ang ikatlong puwesto.
Galing din sa tatlong suÂnod na pagkatalo ang Altas at kailangan nilang maibangon ang kumpiyansa papasok sa Playoffs.
Natalo rin ang Generals sa Heavy Bombers, 79-85, sa unang pagtutuos pero ang kahalagahan ng makukuhang panalo ang tiyak na magreresulta para mas maging palaban ngayon ang EAC.
Samantala, pagtatangkaan ng host College of Saint Benilde na mapanatili ang dominasyon sa taekwondo sa pagsisimula ng kompetisyon ngayon sa Jose Rizal University Gym.
Nakuha ng Blazers ang kampeonato sa kalalakihan nang patalsikin ang dating three-time champion San Beda sa pangunguna ni welterweight Ronnel Arvin Yadao na siyang naging MVP.
Sa kabilang banda, ang bantamweight na si Izzabella Dionisio ang namuno sa Lady Blazers para manalo sa ikalawang sunod na taon sa kababaihan. Si Dionisio ang MVP sa kanyang dibisyon.
Sakaling manalo pa ang Blazers, ito ang kanilang magiging ikalawang titulo sa liga matapos magdomina sa men’s badminton. Unang kampeonato naman sa taon ang balak ng Lady Blazers.
Dalawang araw ang kompetisyon at ang San Sebastian Staglets ay siyang magbabalak na makuha ang ikalawang sunod na titulo sa juniors division.
Ang opening ceremony ay itinakda sa ganap na ika-8 ng umaga at matapos nito ay sasambulat na ang mga aksyon.