Sold out!

Garapalan ang naging bentahan ng tickets para sa Game 2 ng UAAP Finals na pinaglabanan ng UST at La Salle sa Smart Araneta Coliseum.

Sa presyo ng mga tickets, akala mo ay katapusan na ng mundo.

May mga upper box tickets, at hindi pa ito ringside, na ibinibenta sa Internet ng P12,000 ang isa.

At may ilan din naman na nasa P5,000 o kaya at P800 para sa bleacher section.

Tiba-tiba ang mga scalpers dahil kahit magkatawaran man sa presyo ay mahigit doblado pa rin ang tutubuin nila sa puhunan.

Ang masama pa nito ay sangkot umano ang isang opisyal ng Smart Araneta Coliseum na nai­hayag na nagbenta ng 25 tickets sa presyong P2,500 kada isa.

Pumasok na ang Quezon City Police sa eksena at nagsabing iimbestigahan nila ang pangyayari.

Wala naman tayong magagawa kung may ta­ong gusto magbenta ng ticket niya na nauna na ni­yang binili.

Madaming dahilan kung bakit gusto niya ito ibenta. Puwede kasi biglang ayaw na niya manood kaya gusto niya ibenta ulit ang ticket o tickets.

Pero kung ang intensiyon ng tao mula sa pagka­kabili ay ibenta sa mas mataas na halaga ang tickets ay scalping na ang tawag dito.

Mas masama rin kung taga-loob ng venue mis­mo ang scalper.

Hindi tuloy natin alam kung ganung katagal na niya ito ginagawa.

Isa lang naman ang pangontra sa mga scalpers: Huwag bilhin ang mga tickets.

Law of supply and demand kasi yan na hanggang may bumubili, may magbebenta.

Kung wala kang ticket, sa bahay ka na lang manood.

Bayaan mong malugi ang scalpers.

Show comments