MANILA, Philippines - Bumigay ang Pilipinas sa huling pitong minuto sa huling yugto upang ibigay sa China ang 85-78 panalo at hiranging kampeon sa FIBA Asia U-16 na nagwakas noong Biyernes sa Azadi Sports Complex, Tehran, Iran.
Bagamat mas malalaki ang Chinese team, ipinakita naman ng mga Filipino caÂgers ang kanilang puso nang bigyan nila ng magandang laban ang nagdedepensang kampeon.
Ang buslo ni Jose Lorenzo Mendoza sa huÂling 7:11 ng labanan ang nagdikit sa nationals sa apat, 63-59.
Pero hindi natinag ang Chinese players at sa pamumuno ni Yanhao Zhao ay nagpakawala ng 7-0 bomba para bigyan ang koponan ng 11-puntos kalamangan, 70-59, may tatlong minuto sa orasan.
Ang three-point play ni Mike Nieto ang huling nagdikit sa Pilipinas sa pito, 79-72, ngunit sinandalan ng Chinese team ang husay sa free throw shooting nang hindi sumablay sa apat na birada para sa panalo.
Si Zhao ay gumawa ng 25 puntos habang si Hao Fu ay naghatid ng dominanteng 22 puntos at 18 rebounds. Si Jinqui Hu ay may double-double pang 12 puntos at 15 rebounds at ang China ay nagdomina sa rebounding, 48-39, at manalo sa second chance points, 22-15.
Ito ang ikatlong sunod na taon na ang China ang hinirang na kampeon at napalawig nila ang winning streak sa 26-diretso.
Si Mendoza ay may 20 puntos para pamunuan ang laban ng Pilipinas na naiwanan lamang ng apat na puntos sa inside scoring, 32-36, upang ipakitang hindi natakot kahit mas malalaki ang kalaban.
Natalo man para sa gintong medalya ay nakagawa naman ng kasaysayan ang koponan dahil makakalaro sila sa unang pagkakataon sa FIBA World U17 Championship na gagawin sa Dubai, United Arab EmiÂrates mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 6 sa susunod na taon.
Ang National U17 team ang ikalawang Pambansang koponan na maglalaro sa World championship matapos makapuwesto ang Gilas nang pumangalawa sa Iran sa FIBA Asia Men’s Championship noong Agosto sa Pilipinas.