Smart-Maynilad tinapos ang puwestuhan sa semis

 Laro Bukas

(The Arena, San Juan City)

2 p.m. PNP vs Air Force

4 p.m.  Cagayan vs Army

6 p.m.  Meralco

vs Smart-Maynilad

 

MANILA, Philippines - Binawian ng Smart-May­nilad ang Philippine Army, 25-18, 22-25, 25-23, 20-25, 15-13, para tapusin na rin ang puwestuhan ng apat na koponan sa Final Four ng Shakey’s V-League Season 10 Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Si Thai import Lithawat Kesinee ay may 23 hits, mula sa 19 kills at four blocks, habang si Alyssa Valdez ay nagdagdag ng 20 hits para maipaghiganti ang pagkatalo sa Lady Troopers sa elimination round.

Nakatulong din sa pa­nalo ng tropa ni coach Ro­ger Gorayeb ang magandang laro ng setter na si Jem Ferrer na mayroong 20 excellent sets habang si libero Melissa Gohing ay mayroong 14 digs.

Huling tabla sa laro ay sa 11-all bago rumatsada ang Smart sa apat sa huling anim na puntos na pinaglabanan upang biguin na ang paghahabol ng Army sa number one spot sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

Ito ang ikalawang pagkatalo sa 11 laro ng Army para isuko na ang unang puwesto sa walang talong Cagayan (11-0) na siya nilang huling katunggali sa Linggo.

Sa pangyayari, ang tapatan sa Final Four sa ligang may ayuda rin ng Accel at Mikasa ay Lady Rising Suns at Air Force at Smart at Army at ang tagisan ay isang best-of-three series.

Samantala, maagang nagtrabaho ang Meralco para kunin ang unang dalawang sets at ang momentum tungo sa 25-19, 25-15, 16-25, 25-23, panalo sa PNP sa labanan ng mga talsik ng koponan sa unang laro.

Show comments