MANILA, Philippines - Nagpapasaklolo ang mga empleyado ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinagtrabaho ng Wushu Federation of the Philippines (WFP) sa isinagawang 7th Asian Junior Wushu Championships sa mga matataas na opisyales ng bansa para maibigay ang ipinangakong allowances ng NSAs.
Si WFP secretary-general at POC treasurer Julian Camacho ang siyang inirereklamo ng mga empleyado matapos mapako ang mga pangakong binitiwan patungkol sa kabayaran sa serbisyong ibinigay nila sa Asian Juniors na ginawa sa Makati Coliseum noon pang Agosto 5 hanggang 23.
Sa liham na pirmado ng 24 katao tulad ng mag-asawang Paul at Manel Ycasas, sinabi nilang hindi nagbayad si Camacho sa napagkasunduang P12,000.00 para sa manpower services na ibinigay ng mga kinuhang tao.
Ang masakit ay nagsabi si Camacho sa grupo na hinihintay lamang niya ang koleksyon sa PSC bagay na hindi mangyayari dahil lumabas na nakubra na ng POC official ang perang dapat na tulong-pinansiyal galing sa Komisyon.
Ang kompetisyon na inendorso pa ng Malacañang ay kinatampukan ng mga banyagang kalahok ngunit sinasabing naipit sa pera ang WFP nang hindi pagbigyan ng Palasyo ang hininging dagdag pondo dito.
Ang liham ay ipinadala na kay PSC chairman Ricardo Garcia at kay POC president Jose Cojuangco Jr.
Itinuro naman ni Camacho ang kinuhang management team na Sportscore Events and Management na siyang dapat singilin ng mga nagrereklamo.
Ang Sportscore ang siyang organizers din ng Philippine Super Liga volleyball tournament na inaasahang magdaraos ng second conference sa susunod na buwan.
“The allowance they should get suppose to be coming from Sports Core. And I’m still working on this with Tats Suzara of Sports Core. Our contract with him was they pay the allowance of this people. Sports Core got P600K from us at nasa contract that they should be the one to pay the alowance,†wika ni Camacho sa text message.
Nananalig naman ang mga nagrereklamo na kikilos sina Garcia at Cojuangco lalo pa’t maliit na halaga lamang ang nais nilang makuha bilang tugon sa serbisyo sa apat na araw na torneo.