9-dikit asam ng Cagayan vs Meralco

Laro Ngayon

(The Arena, San Juan City)

2 p.m. PNP vs Smart-Maynilad

4 p.m.  Cagayan vs Meralco

 

MANILA, Philippines - Magpapalakas pa ng kapit sa ikatlong puwesto ang Smart-Maynilad habang ikasiyam na sunod na panalo ang nais ng Caga­yan Province sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 10 Open Confe­rence ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Katapat ng Net Spi­kers ang Philippine National Police sa unang laro sa ganap na alas-2 ng  hapon bago sundan ng pagkikita ng Lady Rising Suns at Meralco dakong alas-4 ng hapon.

Tangan ng Smart ang 5-3 baraha at winalis nila ang Lady Patrolers sa unang pagkikita sa elimination round sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

Ikaanim na panalo ang makukuha ng tropa ni  coach Roger Gorayeb upang lumapit din sa puntiryang puwesto sa semifinals sa ligang may suporta ng Accel at Mikasa.

Sa kasalukuyan ay pasok na sa Final Four ang  Ca­gayan Province (8-0) at Philippine Army (8-1) habang ang Air Force, Meralco at PNP ay naghahabol pa.

Sasapat  na ang makukuhang pang-anim na panalo ng Net Spikers para makakuha ng playoff sa susunod na round kung sabayan ito ng pagkatalo ng Power Spikers sa Lady Ri­sing Suns sa kanilang laban.

Sa 3-5 baraha, kaila­ngan ng Meralco na maipanalo ang nalalabing apat na laro at umaasang wala ng koponan ang lalampas sa pitong panalo.

Tumibay ang puwersa ng Smart nang pumasok si Alyssa Valdez sa koponan na siyang alas sa opensa.

 

Show comments