Darroca nagpagulong ng silver sa Asian Youth Bowling

HONG KONG--Kumabig ng pilak na medalya si national junior bowler Jose Paolo Darroca sa 17th Asian Youth Tenpin Bowling Championship na ginawa sa South China Athletic Association Bowling Center sa Hong Kong.

Ang 20-anyos na si Darroca ay nagtala ng 3857 pin falls para pumangalawa kay Billy Muhammad Islam ng Indonesia na may 3955 sa boys’ all event division.

Isa pang Indonesian na si Diwan Rezaldy Syahril ang nakakuha ng bronze medal sa 3845 iskor.

Hindi naman pinalad ang pitong iba pang bowlers sa delegasyon na makapagdagdag ng medalya pero kontento si national youth coach Carlos de Leon sa ipinakita ng manlalaro.

Umabot sa 21 bansa ang sumali sa torneong may basbas ng Asian Bowling Federation at World Tenpin Bowling Association at kasama rito ang malalakas na Korea, Indonesia, Singapore at Malaysia.

Ang paglahok ng delegasyon na binuo rin nina Enrico Lorenzo Hernandez, Ivan Dominic Malig, Jose Mari Tajo sa kalalakihan at Madeline Mae Llamas, Jailah Mara Ramirez, Jhoana Lualhati at Christelle Peig ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Bow­ling Congress (PBC), Cebuana Lhuillier, Jag Jeans, Mar Lualhati, Allan Malig at Prima Pasta.

Show comments