PNP nabuhayan ng pag-asa, wagi sa FEU

Hinatawan ni Patchiaree Samuang ng PNP si Jerrili Ma­labanan ng FEU. (Jun Mendoza)  

MANILA, Philippines - Nagsanib sa 41 kills sina Sangmuang Patcharee at Janine Nicole Marciano para bitbitin ang Philippine National Police sa 25-20, 25-14, 20-25, 25-19, panalo sa FEU sa Shakey’s V-League Season 10 Open Confe­rence kahapon sa The Arena sa San Juan City.

May 23 puntos ang Thai import na si Patcharee habang si Marciano ay nagdagdag ng 21 puntos at ang kanilang pinagsamang 41 attack points ay kapos lamang ng dalawa sa kabuuang kills na kinamada ng Lady Tamaraws.

Ito ang unang panalo matapos ang limang sunod na pagkatalo ng Lady Patrollers upang manatiling nasa kontensyon sa ika­anim at huling upuan para sa quarterfinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

Huling laro ng koponan ay laban sa Navy at ang mananalo rito ang siyang ookupa sa mahalagang puwesto at ang matatalo ay magbabakasyon na.

Si Remy Palma ay gumawa ng 19 hits mula sa 12 kills, 5 blocks at 2 aces pero wala siyang nakatuwang para bumaba sa ikaanim na pagkatalo ang FEU at mamaalam na sa ligang may suporta pa ng Accel at Mikasa.

Nangibabaw naman ang Philippine Air Force sa Meralco, 25-20, 12-25, 23-25, 25-23,15-10, para wakasan ang kampanya sa eliminasyon bitbit ang limang sunod na panalo matapos matalo sa unang dalawang laro.

Si Judy Ann Caballejo ay mayroong 26 puntos mula sa 23 kills at 3 blocks at ang kanyang tatlong matitin-ding na kills sa fifth set ang naka­tulong para makapagdomina ang Air Women.

Show comments