Parks Jr., kinilalang UAAP PoW

MANILA, Philippines -  Nakuha ng National University ang number one seeding sa kauna-unahang pagkakataon sapul nang sumali sa UAAP dahil sa pagtutulungan ng lahat ng manlalaro.

Ganito tinitingnan ni Bobby Ray Parks Jr. ang na­ging kampanya ng Bulldogs na kinuha ang unang puwesto at twi­ce-to-beat advantage sa mata­talong koponan ng UST at Ateneo sa 10-4 ba­raha.

May  18.3 puntos at 8.4 rebounds average si Parks ngunit ang kanyang 3.8 assists ang dahilan kung bakit ang iba niyang kakampi ay tumutulong sa pagpuntos.

“For me, it means a lot not just on the individual standpoint but it speaks of the whole team. This won’t happen if it wasn’t for them,” wika ni Parks.

Ngunit hindi makukum­pleto ang isang season kung hindi kikilalanin ang husay ng 6’3 guard na anak ng dating PBA 7-time Best Import Awardee Bobby Parks Sr.

Sa huling laro ng kopo­nan laban sa nagdedepensang kampeong Ateneo, ang kaliweteng si Parks ay gumawa ng 24 puntos ngunit ang kanyang natatanging assist kay Dennice Villamor na nagresulta sa 3-point basket ang nagtulak sa Bulldogs tungo sa 70-65 panalo at selyuhan ang No. 1 spot.

Nagkaroon pa ng pitong rebounds at dalawang steals, si Parks ang binigyan ng UAAP Press Corps ng ACCEL 3XVI Player of the Week citation na suportado rin ng Gatorade.

Ito ang unang POW award sa taon ni Parks at kahit palaban siya sa ikatlong sunod na UAAP MVP title, may mas malaking bagay siyang pinagtutuunan.

“It’s the championship that is what we are gunning for,” ani pa ni Parks.

Sina Terrence Romeo ng FEU, Jeron Teng ng La Salle at Charles Mammie ng UE ang mga tinalo ni Parks sa parangal na ibi­nibigay ng mga mamamahayag mula broadsheets, tabloids at on-line publications.

Show comments