Kim ibinulsa ang titulo sa PXC 39

MANILA, Philippines - Ibinulsa ni Jang Yong Kim ang bakanteng World featherweight title nang ta­lunin si Mark Striegl sa PXC 39 noong Sabado ng gabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Sumuko ang Baguio-based na si Striegl sa ikatlong round nang gamitan ni Kim ng scissor leg lock para mahubaran ng titulo at lasapin ang unang pagkatalo.

Suportado ng mga  manonood si Striegl pero hindi niya natapatan ang determinasyon ng Koreano na may pangontra sa bawat ground technique na ipinakita ng dating kampeon.

Ito ang ikalawang tang­ka ni Jang sa titulo at na-i­paghiganti niya ang first round knockout na pagka­talo laban kay Joi Taimanglo ng Guam sa PXC 32 bantamweight title fight.

Nangibabaw ang mga dayuhan sa mga Pinoy dahil tinalo rin ni Louis Smolka ng Hawaii si Jessie Rafols para kunin ang pagkaka-taon na mapalaban sa flyweight title na hawak ni Ale Cali.

Samantala, naipakita naman ng anak ng dating world boxing champion Ronaldo Navarette na si Ronaldo Dy ang husay nang kunin ang unanimous decision panalo laban kay Kyle Reyes ng Guam.

Nanalo rin sina Roldan Sancha-an at Harold Banario ng Team Lakay kontra kina Ernesto Montilla J r. at Adamson Torbiso.

Show comments