Army belles inupuan ang No. 2; Air Force pasok na sa quarters

MANILA, Philippines - Lumabas ang tikas ng laro ng Army sa huling hati sa fifth set para kunin ang 25-22, 25-19, 22-25, 20-25, 15-13, panalo sa Smart-Maynilad sa Shakey’s V-League Season 10 Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Lumamya ang laro sa third at fourth sets at nakita pang naiwanan ng isang puntos ng Net Spikers, 7-8,  sina Jovelyn Gonzaga, MJ Balse at Cristina Salak ang mga nagkapit-bisig para maagaw pa ang panalo at hawakan ang ikala­wang puwesto sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s sa 5-1 baraha.

May 22 puntos si Gonzaga mula sa 19 kills at 3 aces para sa Army na talunan ng Smart sa attack, blocks at serve departments pero nakuha ang tagumpay dahil sa ibinigay na 36 errors ng Net Spikers

Nakapaglaro na si Alyssa Valdez para sa Smart at bumandera siya sa 28 puntos, mula sa 21 kills at 6 service aces.

Nauna rito, pinagbagsak ng Air Force ang Phi­lippine National Police, 25-16, 25-11, 25-21.

Ang tagumpay ay hindi lamang nagpasok sa Air Women sa quarterfinals sa kinuhang 4-2 baraha kundi isinama na rin nila ang Meralco sa susunod na yugto sa ligang may suporta rin ng Accel at Mikasa.

May tatlong panalo matapos ang anim na laro, ang Power Spikers ay nakasilo na ng puwesto sa susunod na round dahil ang pinakamataas na pagtatapos na kayang abutin na lamang ng Navy, PNP at FEU ay dalawang panalo.

Ang tatlong nabanggit na koponan ang siyang magbabalikatan para sa ikaanim at huling puwesto na aabante sa liga.

 

Show comments