Plania naka-puntos sa Georgian boxer

KIEV, Ukraine – Binuksan ni Michael Angelo Plania ng PLDT-ABAP team ang 2013 AIBA Junior World Boxing Cham­pionships sa pamamagitan ng isang panalo laban kay Joto Taboshvili ng Georgia via unanimous decision sa bantamweight division (45-kilograms).

Pinasok ni Plania ang mas matangkad na si Taboshvili para makuha ang puntos.

Naging masigasig naman si Jayson Daming sa first round bago kumulapso sa second round para isuko ang kabiguan kay Kim Bi ng Korea sa (46kgs, pinweight).

Ang torneo na idinadaos tuwing ikalawang taon matapos ilunsad noong 2001 ay nagtatampok sa mga amateur boxers na may edad 15 hanggang 16-anyos.

Ito ay dating tinatawag na AIBA Cadet World Championships at may 13 weight categories.

Nakatakdang labanan ngayon ni Hipolito Banal Jr., nakababatang kapatid ni professional boxer AJ Banal, si Eljan Gafarli ng Azerbaijan sa light flyweight (48kg) match.

Makakaharap naman ni Paul Gilbert Galagnao si Hungarian Istvan Szaka bukas.

 

Show comments