Tamaraws susuwag ng panalo sa Falcons

MANILA, Philippines - Matapos walisin ang first round ay naging ‘roller coaster ride’ na ang kampanya ng Tamaraws sa second round ng 76th UAAP men’s basketball tournament.

Dalawang sunod na kamalasan ang nalasap ng Far Eastern University sa kanilang huling dala­wang laro na naging dahilan ng pag-agaw ng National University sa liderato at pakikisalo sa kanila ng De La Salle University sa ikalawang puwesto.

Hangad na makabangon sa nasabing two-game losing skid, haharapin ng Tamaraws ang Adamson Falcons ngayong alas-4 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nanggaling ang Tamaraws sa 73-92 kabiguan sa Blue Eagles noong Agosto 28 at sa 78-79 overtime loss sa Tigers noong Set­yembre 1.

Maglalaro ang FEU na wala si American import Anthony Hargrove na napatawan ng isang one-game suspension bunga ng kanyang unsportsmanlike foul kay UST import Karim Abdul sa third period ng kanilang laban.

Si Hargrove ang pinakahuling UAAP player na nasuspinde matapos sina import Charles Mammie, Lord Casajeros at Ralf Olivares ng FEU. 

Samantala, tangka naman ng Santo Tomas University na masolo ang ikaapat na puwesto sa kanilang pagtatagpo ng University of the Philippines sa alas-2 ng hapon.

Sa labang ito, kumpiyansa ang Tigers na magpapatuloy ang nakuhang momentum sa kanilang panalo laban sa tamaraws noong nakaraang linggo para manatiling palaban sa Final 4.

“Hindi pa kami out, andyan pa kami,” ani Tigers coach Pido Jarencio matapos ang kanilang tagumpay Tams.

Show comments