NANJING--Kaagad na ilalatag ang mga medalya sa finals events sa judo at weightlifting kung saan lalahok sina judokas Miam Salvador at Floyd Derek Rillera at weightlifter Elien Rose Perez sa pagsisimula ngayon ng 2nd Asian Youth Games sa iba’t ibang venues.
Pormal na binuksan ang AYG kagabi sa isang simpleng seremonya sa Nanjing University Gymnasium.
Ang parehong 15-anyos na sina Salvador at Rillera, produkto ng Batang Pinoy, ang sasabak sa girls’ minus 44 kg at boys’ minus 55 kg events, ayon sa pagkakasunod, sa Longjiang Stadium.
Nakatakda ang preliminaries sa ala-1 ng hapon.
Lumakas ang tsansa ng 14-anyos na si Perez, pumang-apat sa Asian Youth Weightlifting Championships sa Doha noong Mayo, dahil karamihan sa kanyang mga nakaharap ay hindi kasali.
Ang 2nd AYG ay para sa batang atletang may edad 14 hanggang 17-anyos at nagsisilbi ring qualifier para sa 2014 Youth Olympics na gagawin din dito sa Nanjing.
Bubuksan nina Filipino badminton players Allysa Ysabel Leonardo, Joella de Vera, Alvin Morada at second seed Mark Shelley Alcala ang kanilang kampanya sa singles at mixed doubles events.
Makakaharap naman ng Philippine seven-a-side rugby team ang Hong Kong sa Pool B sa Youth Olympic Sports Park sa alas-5:30 ng hapon.
Ang koponan ay binubuo nina Terry Boy Cayetano, Jonel Madrona, Kingsley Ballesteros, Greg George Maleval, Juliann Viktor Feleo, Joshua Whyte, Naimar Candelaria, Andrew Holgate, Albert Rano, Racel Naevasa at Miguel Francis Ayala.
Sina Emy Rose Dael, Jamaica Dianne Sy, Ryan Jacobo at Vince Olivia ay sasali sa first at second rounds ng table tennis sa Wutaishan Gymnasium.
Sa 3-on-3 basketball, makikita sina George Isaac Go, Patrick Ramirez at Andrei Caracut sa isang double-header kontra sa Indonesia sa alas-6:30 ng gabi at laban sa Saudi Arabia sa alas-9 sa Witaisan courts.