MANILA, Philippines - Nalasap ng Philippine Azkals ang unang pagkaÂtalo sa taong 2013 nang duÂmapa sa Indonesia, 2-0, sa FIFA International Friendly Game na ginawa sa Manahan Stadium, Solo, Indonesia noong Miyerkules ng gabi.
Determinado ang home team na talunin ang Pilipinas para pawiin ang 2-2 tablang laro noong nakaraang taon sa Manila at ipinamalas nila ang agresibong pag-atake at matibay na depensa.
Sina Greg Nwokolo at Muhammad Roby ang mga naka-goal para sa Indonesian booters na nangyari sa 31st at 66th minuto ng labanan.
Nagkaroon din ng mga pagkakataon ang Azkals na umiskor ngunit hindi ito nakumpleto nina Chieffy Caligdong, Angel Guirado at James Younghusband at matikman ang kabiguan sa ikapitong laro sa taon.
Bago ito ay nanalo na ang Azkals sa mga dayuhang koponan na Myanmar at Hong Kong sa mga FIFA Friendly bukod pa sa Cambodia at Turkmenistan sa AFC Challenge Cup Qualifier sa Manila.
Tinalo rin ng Azkals ang mga local teams na Pachanga Diliman at PNP Davao del Norte.
Bagamat natalo, ang 141st ranked na Pilipinas ay nakinabang din dahil nagawa nilang paglaruin ang mga batang manlaÂlaro tulad nina OJ Porteria, Marwin Angeles at rookie Amani Aguinaldo para makakuha ng karanasan.
Sunod na laro ng Azkals ay laban sa United Arab Emirates sa Abu Dhabi sa Nobyembre 9.
Ang mga larong ito ay bahagi ng preparasyon ng Azkals para sa 2014 AFC Challenge Cup sa Maldives na kung saan pakay ng koponan na mahigitan ang third place na magtaÂtapos noong 2012 sa Kathmandu, Nepal.