MANILA, Philippines - Nabigong kontrolin si 7-foot-2 Hamed Hadadi, isinuko ng Gilas Pilipinas sa two-time champions Iran ang isang 85-71 kabiguan sa finals ng 27th FIBA-Asia Men’s Championships sa harap ng 18,989 manonood kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito ang unang paghahari ng Iranians sa FIBA-Asia Championships matapos magdomina ng dalawang sunod noong 2007 at 2009.
Humakot si Hadadi, naglaro sa NBA para sa Memphis Grizzlies at Phoenix Suns, ng 29 points, 16 rebounds at 2 shotblocks para pamunuan ang Iran, samantalang hindi naman naglaro si 6’11 naturalized center Marcus Douthit para sa Pilipinas dahil sa knee injury.
Binanderahan ni Jayson Castro William ang NatioÂnals mula sa kanyang 18 markers, habang nagdagdag ng 13 si Jimmy Alapag.
Matapos maagaw ng Nationals, huling nagkampeon sa naturang torneo noong 1985 sa Kuala Kumpur, Malaysia, ang unahan sa pagsisimula ng third period, 36-35, mula sa basket ni William, isang 18-7 atake ang ginawa nina Hadadi, Samad Nikkhah Bahrami at Mahdi Kamrany para iposte ang isang 10-point lead, 53-43, sa gitna nito.
Sa naturang yugto ay tumipa si Alapag ng 10 points mula sa kanyang dalawang three-point shots para sa Pilipinas, makakasama ang Iran at South Korea sa 2014 FIBA World Championships sa Madrid, Spain.
Isang agaw ni Hamed Afagh sa inbound pass ni Larry Fonacier para kay William ang nagpasimula sa isang maikling 8-1 ratsada ng Iranians para iwanan ang Nationals sa 70-54 sa 6:54 ng fourth quarter.
Bagamat natalo sa Pilipinas sa semifinal round ay nakamit pa rin ng South Korea ang ikatlo at huling tiket para sa 2014 FIBA World Championships matapos talunin ang Chinese-Taipei, 75-57.
“We played under pressure against Gilas Pilipinas and against Chinese-Taipei. But we played hard and we have the passion to really play. And that passion actually won the game for us,†sabi ni head coach Yoo Jae Hak sa Koreans na tinalo ng Nationals, 86-79, noong Sabado sa kanilang semifinals game.
Tinalo ng dating kampeong China ang Qatar, 95-85, ang para angkinin ang fifth place at kinuha ng Jordan ang seventh place nang igupo ang Kazakhstan, 88-59.
Iran 85 - Hadadi 29, Bahrami 19, Kamrany 15, Sahakian 12, Afagh 4, Kardoust 2, Sohraabnejad 2, Davoudichegani 2, Davari 0, Veisi 0, Arghavan 0.
Pilipinas 71 - William 18, Alapag 13, De Ocampo 9, Tenorio 8, Chan 7, Aguilar 4, Norwood 3, Pingris 3, Fonacier 3, David 2, Fajardo 1.
Quarterscores: 17-15; 35-34; 62-53; 85-71.