7th Asian Junior Wushu Championship: Unang gold ng Pinas sa Group Competition

MANILA, Philippines - Hindi ipinahiya ng wa­long bata pero mahuhusay na wushu artist ng Pilipinas ang kampanya sa 7th Asian Junior Wushu Championship nang kunin ang gintong medalya sa kauna-unahang Group Competition sa Makati Coliseum kahapon.

Nanguna sa isinabak ng Wushu Federation of the Philippines (WFP) si 2012 World Juniors Championships gold medalist Alieson Ken Omengan ng Baguio at nakitaan ang mga locals ng husay nang pagsamahin nila ang freehand at dalawang weapon sa pagtatanghal para makakuha ng 9.42 puntos.

Ang iba pang kasapi ng koponan ay sina Faith Liana Andaya, Joel Casem, Vanessa Chan, Dave Degala, Kimberly Macuha, Johnzenth Gajo at Christian Nicholas Lapitan

Ang China na isinentro ang pagtatanghal sa free hand ay nakakuha rin ng 9.42 puntos para magkaroon ng dalawang gold medal winners sa nasabing event.  Ang Hong Kong ang pumangatlo para sa bronze medal habang ang kumumpleto sa mga kasali ay ang Indonesia at Macau.

“Ipinasok ang Group competition para makita ang team spirit ng mga su­mali. Sa tingin ko ay mas maganda ang ipinakita ng ating mga isinali pero nirerespeto natin ang desisyon ng mga judges,” wika ni Julian Camacho na secretary-general ng WFP.

Limang buwan na nagsanay ang mga batang ito sa ilalim ni Chinese lady coach Liu Yu Zhen at nagbunga ang kanilang pagtitiyaga sa nakuhang gintong medalya.

Walong ginto ang ipi­namahagi sa pang-uma­gang events at ang Malaysia ang maagang nama­yagpag sa tatlong ginto na napanalunan sa kom­p­etisyong suportado ng PSC, POC, DOT, PCSO, Standard Insurance, MVP Sports Foundation, Arrow shirt, Summit Water at Burlington Socks.

Ang mga nanalo para sa nasabing bansa ay sina Tammy Tan Hui Long (group C women’s elementary qiangshu),Tan Cheong Min (group C women’s nandao) at Ooi Say Onn (group A men’s 3rd set taijiquan).

May dalawang ginto ang Hong Kong at China na ibinandera ni Chen Xiaoli na lumabas bilang kauna-unahang double gold medal winner dahil kasama siya ng Chinese team na nagwagi sa Group competition at nadomina rin ang group A women’s 3rd set taijiquan.

Ang Pilipinas na nagkaroon lamang ng isang event sa pang-umagang laro, ay magtatangka pang makakuha ng ginto sa panggabing events dahil lalaban sina Omengan,  Degala at Agatha Chrystenzen  Wong sa men’s nangun,  group A men’s 2nd set changquan at  group B women’s 32 forms taijijian.

Ang Business Mirror, Malaya Business Insight, Philippine Star Online, Pilipino Mirror at Manila Bulletin ang mga media partners habang ang Focus Media ang LCD advertising partner, Xitrix Computer Corp. ang technical partner.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Show comments