MANILA, Philippines - Mga manlalaro mula sa Philippine Super Liga ang mangunguna sa bubuuing Pambansang koponan sa women’s volleyball na ilalaban sa Asian Women Volleyball Championship sa Nakhon Ratchasima sa Thailand sa Setyembre.
Ayon kay interim PhiÂlippine Volleyball Federation (PVF) president Karl Chan, may tiwala siyang makakapagpadala sila ng koponan dahil nakikipag-usap ang pederasyon sa posibleng kumpanya na tutulong sa gastusin ng team.
Nagpasabi na ang PhiÂlippine Sports Commission (PSC) na malabo nilang bigyan ng tulong pinansyal ang bubuuing koponan dahil sa kawalan pa ng eleksyon ng PVF.
Matatandaan na si dating PVF head Gener Dungo ay nagbitiw na sa kanyang puwesto kasama ng ibang kasapi ng board at idineklara si Chan bilang interim president hanggang isagawa ang halalan sa Enero.
Hindi pasado sa PSC ang bagay na ito dahil hindi umano ito ayon sa Constitution at By Laws ng PVF kaya’t nakabinbin ang suportang kanilang ibinibigay sa mga National Sports Association (NSAs).
“May mga nakausap na kaming prospective sponsors pero bukas pa kami sa mga gustong tumulong,†wika ni Chan.
Inimbitahan din ng PVF ang mga mahuhusay na collegiate players pero dahil sa posibleng problema patungkol sa kung mapapahintulutan ng kanilang mga inaanibang paaralan kaya’t hindi malayong manlalaro sa PSL ang kakatawan sa koponan.
Sa ngayon ay abala ang asosasyon sa paghaÂhanap ng mga taong bubuo sa coaching staff matapos tumanggi si La Salle volleyball mentor Ramil De Jesus sa alok na siya ang maupo bilang head coach.
Bukod sa coach at mga assistant coaches, maglalagay din ang PVF ng official statistician, scout, researcher at medical personel.
Mga 14 players ang balak nilang kunin para sa koponan at bibigyan nila ito ng training camp sa Thailand para mas maÂging maganda ang ipakikita sa Asian event at sa SEA Games sa Myanmar kung papasa sa pagdinig ng POC-PSC Task Force SEAG. (ATan)