Pacquiao nagpasalamat sa mga Chinese

MANILA, Philippines - Nagpasalamat si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa mga boxing fans na sumubaybay sa kanilang three-city promotional tour ni Brandon ‘Bam Bam’ Rios sa China.

Ipinaabot ito ng 34-anyos na Sarangani Congressman sa pamamagitan ng kanyang Twitter account kahapon.

“Thank you China -- Macau, Beijing and Shanghai -- for your warm reception given to @Brandon_rios1 and me. See you USA, next week,” sabi ni Pacquiao.

Dinala ng Top Rank Promotions ang naturang promotional tour nina Pacquiao at Rios sa Macau, Beijing at Shanghai kung saan nila nakaharap ng personal si dating Chinese NBA superstar Yao Ming bago ang kanilang press conference.

Ang 7-foot-4 na si Yao ang may-ari ng Shanghai Sharks, naglalaro sa Chinese Basketball Association.

Nakatakda namang magkitang muli sina Pacquiao at Rios sa Singapore.

At matapos ito ay magtutungo sina Pacquiao at Rios sa United States para sa press conference sa Connecticut, New York at Los Angeles, California.

Maghaharap sina Pacquiao at Rios sa isang non-title, welterweight fight sa Nobyembre 23 sa The Venetian sa Macau, China.

Ito ang unang laban ni Pacquiao matapos mabigo ng dalawang beses noong nakaraang taon.

Show comments