Pondoyo, Cabungcag hari sa Shell chessfest

MANILA, Philippines - Tinalo ni top seed Chris Pondoyo si Jeremy Pepito para pagharian ang boys’ kiddies class, habang pinamunuan ni No. 5 Cristy Cabungcag ang girls’ side sa 21st Shell National Youth Active Chess Championship Visayas leg sa SM City Cebu Event Center noong Linggo.

Bumangon si Pondoyo mula sa kanyang kabiguan sa eighth round kay Adrian Basilgo bago payukurin si Pepito para sa korona.

Nauna nang winalis ni Pondoyo ang una niyang pitong laro bago natalo sa sixth-ranked na si Basilgo.

Pumangalawa naman si No. 12 Joshua Panes, tumapos na may 7.5 points, matapos talunin sina Edsel Vosotros at Basilgo at makuha ang isang tiket para sa national finals ng annual event na itinatagu­yod ng Pilipinas Shell.

Pumangatlo si Basilgo mula sa kanyang 7.0 points at nabigong makapasok sa grand finals sa Setyembre 14-15 sa SM Megamall.

Binigo naman ni Ca­bungcag sina second seed Fiona Guirhem at No. 3 Laila Nadera at nakipag-draw sa kanyang kapatid na si Manilyn Cabungcag para pagreynahan ang kanyang dibisyon mula sa 6.5 points.

Maglalaro si Cabungcag ng Mabini National High School sa grand finals ng pinakamatandang chess event ng National Chess Federation of the Phils.

 

Show comments