Romeo napiling UAAP Player of the Week

MANILA, Philippines - Ang isa sa mga bagay na nagbigay sa Far Eastern University ng 3-0 record sa 76th UAAP men’s basket­ball tournament ay ang ma­gandang inilalaro ni guard Terrence Romeo.

Matapos ang kabiguang maisama ang kanyang mga kakampi sa play sa nakaraang tatlong UAAP seasons, naging isang team player ngayon si Romeo sa ilalim ng bagong coach na si Nash Racela.

Dahil sa kanyang paggi­ya sa Tamaraws, hinirang ang Mythical Five member na si Romeo bilang unang ACCEL 3XVI UAAP Press Corps Player of the Week ngayong season.

Sa tatlong sunod na pa­nalo ng FEU, nagposte si Romeo ng averages na 21.3 points, 10 rebounds, 5.3 assists at 2.0 steals per game laban sa University of the East, five-time champions Ateneo De Manila Uni­versity at University of the Philippines.

“Hindi pa rin ako ganun ka­saya sa laro ko,” wi­ka ni Romeo. “Nakaka-score nga ako pero minsan bu­ma­balik pa din dun sa gina­gawa ko na dinidiskarte pe­ro sinusubukan ko tala­ga na mag-chip-in para ma­katulong sa team.”

Sa 89-78 panalo ng Ta­maraws kontra sa Red Warriors noong Hunyo 29, naglista si Romeo ng 21 points, 9 rebounds at 12 assists.

Tumipa naman siya ng 21 markers sa 79-75 overtime victory ng FEU laban sa Ateneo.

Noong Linggo kontra sa Fighting Maroon, umiskor si Romeo ng 20 points, ka­sama dito ang siyam na su­nod na puntos sa fourth.

Tinalo ni Romeo para sa Player of the Week ho­nor sina Roi Sumang ng UE, La Salle center Arnold Van Opstal at sina Kevin Ferrer at Jeric Teng ng UST.

 

Show comments