Exciting ang 89th NCAA

Expected naman  sa opening day ng 89th National Collegiate Athletic Association (NCAA) noong Sabado na mamamayagpag ang San Beda Red Lions at Letran Knights kontra sa kanilang mga katunggali.

 Silang dalawa ang naglaban sa best-of-three Finals ng nakaraang season. Kapwa maraming beteranong naiwan sa koponan kung kaya’t kahit na kapwa bago ang kanilang coaches ay walang gaanong problema.

 At hindi naman basta-basta ang kanilang coaches.

Ang Red Lions, na naghahangad ng ikaapat na su­nod na titulo, ay ginagabayan ngayon ni Boyet Fer­nandez na humalili kay Ronnie Magsanoc. Ang Knights ay hawak ni Caloy Garcia na pumalit naman kay Louie Alas.

 Katunggali ng San Beda ang host College of Saint Benilde na hawak ngayon ni Gabby Velasco na pumalit kay Richard del Rosario. Maraming nawala sa poder ng Blazers at kabilang doon si Dan Carlo Lastimo­sa na siyang leading scorer nila noong nakaraang season.

Kalaban naman ng Letran ang San Sebastian Stags na apat na beses nilang tinalo noong nakaraang season.

 Biruin mong noong isang taon ay nandoon sina Calvin Abueva, Ian Sangalang at Ronald Pascual pero hindi nakaporma ang Stags sa Knights.  E wala na ang tatlong ito sa kasalukuyang line-up ng San Sebastian na binubuo ng limang beterano at sampung rookies.

Kaya nga sinabi ni coach Topex Robinson na dehado sila ngayon. Si Robinson ay nagbalik bilang coach ng SSC matapos na magbitiw sa kalagitnaan ng nakaraang season at pansamantalang hinalinhan ni Allan Trinidad.

So, talagang llamado ang Red Lions at Knights noong Sabado.

 At nagwagi nga ang dalawang koponang ito.

 Pero hindi convincing ang naging panalo nila.

 Naungusan ng Red Lions ang Blazers, 71-70 sa pamamagitan ng game-winning lay-up ni Arthur dela Cruz sa alley-oop pass ni Rome dela Rosa sa huling 3.7 segundo.

Kinabahan ang  Red Lions nang mapalis ng Blazers ang 15 puntos na abante nila at lumamang pa 70-69 sa isang three-point shot ng rookie na si Fons Saavedra sa huling 4.8 segundo.

Tinalo naman ng Letran ang San Sebastian, 74-69 matapos na tumukod ang Stags sa dulo. Nakabalik kasi ang Stags sa 13 puntos na abante ng Knights at nakatabla, 61-all sa huling pitong minuto ng laro.

Isa lang ang ibig sabihin ng mga resultang ito, e. Hindi nakaseseguro ang Letran at San  Beda na mauulit ang kanilang pagkikita sa Finals sa kasaluku­yang season.

Kasi, inaasahang gaganda pa ang takbo ng Saint Benilde at San Sebastian sa pagpapatuloy ng kanilang mga laro. Kumbaga’y they can only get better.

May anim na iba pang koponan ang naghahangad na makarating din sa Final Four at pumigil sa arangkada ng San Beda.

Mukhang very interesting ang 89th season ng NCAA.

Show comments