Shell Active chessfest susulong ngayon

MANILA, Philippines - May 300 chess players ang mag-uunahan na ma­ging unang manlalaro na aabante sa national finals sa paglarga ngayon ng Shell National Youth Active Chess Championships sa SM Megamall Event Center sa Pasig City.

Tagisan sa kalalakihan at kababaihan sa kiddies (edad 7 hanggang 14) at juniors division (20-pababa) ang mangyayari sa una sa limang legs na nakapaloob sa torneo.

Swiss system ang ipaiiral na format at ang mga mananalo ay magkakaroon din ng cash prizes bukod sa puwesto sa National Finals na gagawin din sa nasabing lugar mula Setyembre 14 at 15.

Matapos ang eliminations para sa National Capital Region, lilipat ito sa SM Batangas para sa Southern Luzon leg mula Hunyo 22 at 23, SM Cebu para sa Visayas leg mula Hulyo 13 at 14 at SM Davao para sa Mindanao leg mula Agosto 17 at 18.

Opisyal na bubuksan ang torneo sa ganap na alas-10:30 ng umaga.

Show comments