Pacquiao ‘di pa nagsasanay

MANILA, Philippines - Inamin ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao na hindi pa niya sinisimulan ang pagsasanay para sa ka­ni­lang non-title, welterweight fight ni Brandon ‘Bam Bam’ Rios.

“Hindi pa ako nagsisimula,” sambit ni Pacquiao nang pamunuan ang ce­remonial move sa 2013 Pacquiao Asian Continental Chess Championship noong Martes ng gabi sa Midas Hotel sa Pasay City.

Nang tanungin tungkol sa laban niya kay Rios ay hindi na sumagot si Pac­quiao.

Wala pang sinasabi si Pacquiao kung kailan niya sisimulan ang pagsasanay para sa kanilang laban ni Rios.

Maglalaban sina Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) at Rios (31-1-1, 23 KOs) sa isang non-title, welterweight fight sa The Venetian Macao Resort Hotel sa Macau, China sa Nobyembre 24 (Nobyembre 23 sa US).

Ito ang unang laban ng 34-anyos na si Pacquiao ngayong taon matapos matalo kina Timothy Bradley, Jr. (split decision) noong Hunyo 9 at Juan Manuel Marquez (sixth-round KO) noong Disyembre 8.

Kumpara kay Pacquiao, maaga namang sinimulan ni Rios ang kanyang paghahanda.

Si Rios ang tumatayong sparring partner ni welterweight champion Marcos Maidana ng Argentina na lalabanan si Josesito Lopez ng Mexico sa Hunyo 8 sa Home Depot Center sa Carson, California.

“We have already done three sparring sessions and everything is good,” sabi ni Maidana sa kanilang sparring ni Rios.

Show comments