Caluag pumadyak ng ginto sa Singapore

MANILA, Philippines - Hindi man nanalo ng me­dalya sa 30th Olympic Games sa London no­­ong nakaraang taon, nag­kampeon naman si Fi­lipino-American rider Daniel Caluag sa 8th BMX Asian Continental Championships sa Tampines Bike Park sa Singapore.

Nagposte si Caluag ng tiyempong 29.951 segundo sa men’s elite race, ang main event ng kompetisyon, para sikwatin ang kauna-unahang gintong medalya ng bansa sa Asian BMX event.

Tinalo ng 26-anyos na si Caluag, ang tanging Asian biker na nakapaglaro sa 2012 London Olympics, para sa gold medal sina Tatsumi Matsushita (30.306) at Jukia Yoshimura (30.448) ng Japan sa nasabing 355-meter long course.

Tumapos naman ang isa pang Pinoy rider na si Niño Marin Eday bilang pang-16.

Sumabak si Caluag ng Bulacan sa 2012 Olympic Games kung saan siya tu­mapos na pang-26 sa ka­buuang 32 entries.

Si Caluag, kumakampanya sa United States circuit, ang ikatlong Filipino cyclist na nakalahok sa Olympics matapos sina Domingo Villanueva at Norberto Oconer na lumahok sa road race noong 1992 Games.

Show comments