Siguradong siksikan blues mamayang gabi sa Araneta Coliseum para sa Game 1 ng PBA Commissioner’s Cup finals ng Ginebra at Alaska.
Isipin mo naman, Ginebra ang pumasok sa finals eh kung sa ordinaryong game nga eh kaya nitong punuin ang kahit na anong venue.
Talagang buhay na buhay ang Ginebra diehards at sa loob naman ng court ay ang pamosong never-say-die spirit ng mga Ginebra players.
Malakas ang import nila na si Vernon Macklin at parang timing na timing naman na gumaganda ang laro ng mga locals nito.
Napakalalim na hukay ang pinanggalingan ng mga Ginebra Kings para umabot sa finals. Nagsimula sila sa 0-4 bago sila dahan-dahan na umakyat at umabot sa playoffs.
Hindi ako magtataka kung sa isa sa mga laro sa finals na ito may makapagtala ang PBA ng bagong record sa gate attendance. Siguradong tabo ang PBA dito.
Pero ang hindi ko kayang bigyan ng garantiya ay kung mananalo ang Gin Kings ni coach Alfrancis Chua.
Para sa akin, Alaska ang pinakamalakas na team sa conference na ito. Napakaganda ng sistema na pinapatupad ni coach Luigi Trillo.
Bagito bilang isang head coach sa PBA si Luigi pero aral at hindi nagkulang sa experience. Matagal siyang assistant coach ni Tim Cone.
Magaling din ang import ng Alaska na si Robert Dozier pero tila mas malaking role ang nilalaro ng super rookie na si Calvin Abueva.
Pahihirapan ni Abueva ang depensa ng Ginebra. Kaya lang dudugo rin siya sa mga puntos niya.
Maganda ang finals na ito sino man ang manalo at matalo at wala tayong kakampihan dito.
Ginebra sa puso. Alaska sa laro.